Blog-Post → Buhay OFW at sa pagtungo sa tuwid na landas
Share ko lang po ang ilang karanasan ng mga kapwa nating OFWs sa pag-process ng kanilang OECs sa mismong tanggapan ng POEA sa EDSA corner Ortigas, Mandaluyong City.
Kapag araw ng Lunes at Martes ay madaming mga kapwa nating OFW ang nag-proprocess ng kanilang mga OECs. Karamihan ay mga galling karatig probinsya. Sa dami ng nag-proprocess isang option ang mag-process sa tinatawag nilang POEA Balik-Manggagawa OEC Delivery ng Pilipinas Teleserv, Inc. Syempre nga naman di ka na pipila ng matagal at di ka na maghintay pa na matapos ang processing dahil idedeliver mismo ang tapos ng OEC mo sa inyong mga sarili tahanan. Malaking ginhawa di ba?
Pero eto ang masaklap na kapalit ng sandaling ginhawa! Pagdating sa counter nila, maagap ang pagtanggap ng mga attendant sa mga papeles mo ay rebisahin nila yon, ang passport mo pati Exit/Re-entry visa. Siguro kailangan nilang makita ang Exit/Re-entry visa to confirm na aalis nga ang isang manggagawa. Mayamaya ay sasabihan ka na may kaunting problema. Problema? Kinabahan ang OFW. Konting abala lang naman sagot nila.
Sa ngayon ang mga OFWs na galing ng Saudi Arabia ay sa isang papel na lang naka-print ang kanilang Exit/Re-entry visa at naka-stapler sa kanilang passports. Sabi ng attendant ay problema daw na ang rubber stamp ng EXIT ay naka stamp sa papel ng visa, bakit daw doon. Sa aking kaalaman bilang isang OFW mula Riyadh at malimit na umuuwi para magbakasyon, ay matagal ng ginagawa ito ng Immigration Officers ng Saudi at hindi kasalanan ng OFW bakit nagkaganoon na doon itinatak. Kahit may nakalagay din na rubber stamp sa passport mismo pero ididiin ng attendant na sana wala doon sa papel.
Kamot ang ulo ang kawawang OFW. Nag-aalala baka maging abala sa pag-alis nya ang bagay na ito. Dahil sa nahalatang nabalisa ang OFW ay papayuhan naman ng attendant ang OFW na magpagawa na lang sya ng affidavit para maayos ang lahat at wala ng problema. At least, may pakunsuelo naman yong attendant, tumutulong na rin lang bakit di pa nya lubuslubusin, kaya sasabihan si OFW na doon sa isang puesto sa labas ng POEA magpagawa ng affidavit, may refer pa na pangalan ng shop. Wow ang bait naman talaga. Hulog ka ng langit sambit ng OFW.
Pagbalik ng pawisang OFW at nai-abot na ang affidavit kasama ang ibang papeles sa attendant, maayos na raw, at dito makakahinga na ng maluwag si kabayan. Solve ang problema! Bulong ng isang kapwa OFW kay kabayan, “parehas pala tayo ng problema, matagal na akong pabalik balik pero ngayon lang naranasan ito”. Teka, may sumagot pa! “Ako din kabayan”.
Aba at mukhang marami pala sila at iisa ang problema. Teka teka … hmmmm …. meron amoy malansa, di kaya may naamoy akong di tama. Napag-isip ako. Ano naman kaya ang mali sa lugar na natatakan ng rubber stamp o kung saan naitatak? Di ba ang mahalaga ay ang pagkakaroon ng Re-enrty visa ang isang OFW para makabalik at ang kailangan lang nya ng OEC. Para saan kaya ang affidavit na yon na nagkakahalaga ng P200? Yong affidavit ba na iyon ay mahalaga o mayroon saysay sa legal na pamantayan sa katayuan ng isang OFW at sa pagbalik nya sa bansang kanyang pinagtratrabahuhan? Eto kaya ay maaring magdulot ng matinding problema pagbalik ng isang OFW lalo na sa Saudi Arabia? Nangyayari din kaya ito sa mga ibang bansa na kung saan nagmumula ang iba pang OFWs? Di kaya isang modus operandi o panggigipit na naman ito sa mga kapwa nating OFW na itinuring na mga bayani, para pagkaperahan ng iba? Paano kung nangyayari ito sa ilan o sa di natin matukoy na bilang ng OFWs? Sabihin natin na 50 OFW kada araw ang may ganitong problema. Maliwanag na maging P10,000 kada araw ang kabuuang bayad sa affidavit. Sa loob ng isang linggo ay maging P70,000. Taka, sa loob ng isang buwan ay magkaano kaya? Paano naman kung 100 or 200 na OFW kada araw? Conservative na bilang pa yan. Hayyyy naku, hayaan ko na, na kayo mismo ang magkuwenta kasi sa aking palagay ay nalulula ako.
Sana po, sana ang aking palagay sa bagay na ito ay nagkamali ako.
Naalala ko tuloy ang talumpani ni P-Noy noong nasa Pilipinas ako sa araw ng kanyang proklamasyon bilang bagong pangulo ng ating bansa … sigaw ni P-Noy, “Kung walang corrupt, walang mahirap. Hindi lamang ito pang slogan o pang poster -– ito ang mga prinsipyong tinatayuan at nagsisilbing batayan ng ating administrasyon“.
At sa ibang parte ng kanyang talumpati, nsabi nya na, “Katulad ninyo ako. Marami na sa atin ang bumoto gamit ang kanilang paa — nilisan na nila ang ating bansa sa kanilang paghahanap ng pagbabago at katahimikan. Tiniis nila ang hirap, sinugod ang panganib sa ibang bansa dahil doon may pag-asa kahit kaunti na dito sa atin ay hindi nila nakikita. Sa iilang sandali na sarili ko lang ang aking inaalala, pati ako ay napag-isip din — talaga bang hindi na mababago ang pamamahala natin dito? Hindi kaya nasa ibang bansa ang katahimikang hinahanap ko? Saan ba nakasulat na kailangang puro pagtitiis ang tadhana ng Pilipino?”
Katulad din yan ang buhay ng isang OFW, pati sa kanyang sariling bansa wala rin syang ligtas, sa mga ganitong pangyayari ay parang mas mapanganib pa, at wala syang magawa kundi magtiis na lamang. Eto nga siguro ang tadhana ng isang OFW – tadhana ng isang tinatawag na bagong bayani (gasgas na ang tawag na eto pero kawawa pa rin ang OFW).
